Huwag kang iibig nang dahil sa pilak
pilak ay may pakpak
dagling lumilipad
pag iniwan ka na, ikaw’y maghihirap.
Huwag kang iibig nang dahil sa ganda
ganda’y nagbabawa
kapag tumanda na
ang lahat sa mundo’y sadyang nag-iiba.
Huwag kang iibig sa dangal ng irog
kung ano ang tayog
siya ring kalabog
walang taong hindi sa hukay nahulog.
Huwag kang iibig dahilan sa nasang
maging masagana
sa aliw at tuwa
pagkat ang pag-ibig ay di nadadaya…
Kung ikaw’y iibig ay yaong gusto mo
at mahal sa iyo
kahit siya’y ano,
pusong-puso lainang ang gawin mong dulo.
Kung ikàw’y masawi’y sawi kang talaga
ikaw na suminta
ang siyang magbata;
kung maging mapalad, higit ka sa iba.
Sa itong pag-ibig ay lako ng puso
di upang magtubo
kaya sumusuyo
pag-ibig ay hukay ng pagkasiphayo.
ISANG PUNUNGKAHOY
Kung tatanawin mo sa malayong pook,
ako’y tila isang nakadipang kurus;
sa napakatagal na pagkakaluhod,
parang ang paa ng Diyos.Organo sa loob ng isang simbahan
ay nananalangin sa kapighatian,
habang ang kandila ng sariling buhay
magdamag na tanod sa aking libingan.
Sa aking paanan ay may isang batis,
maghapo’t magdamag na nagtutumangis;
sa mga sanga ko ay nangakasabit
ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.
Sa kinislap-kislap ng batis na iyan,
asa mo ri’y agos ng luhang nunukal;
at saka ang buwang tila nagdarasal,
ako’y binabati ng ngiting malamlam.
Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
nagpapahiwatig sa akin ng taghoy,
ibon sa sanga ko’y may tabing nang dahon,
batis sa paa ko’y may luha nang daloy.
Ngunit tingnan ninyo ang aking narating,
natuyo, namatay sa sariling aliw.
Naging kurus ako ng pagsuyong laing
at bantay sa hukay sa gitna ng dilim.
Wala na, ang gabi ay lambong na luksa,
panakip sa aking namumutlang mukha!
Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga
ni ibon, ni tao’y hindi na matuwa.
At iyong isiping nang nagdaang araw,
isang kahoy akong malago’t malabay.
Ngayon, ang sanga ko’y kurus sa libingan,
dahon ko’y ginawang korona sa hukay!
ANG TREN
Tila ahas na nagmula
sa himpilang kanyang lungga,
ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga,
ang kaliskis, lapitan mo’t mga bukas na bintana.
Ang rail na lalakara’y
nakabalatay sa daan,
umaaso ang bunganga at maingay na maingay,
sa Tutuban magmumula’t patutungo sa Dagupan.
O, kung gabi’t masalubong
ang mata ay nag-aapoy,
ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol
at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.
Walang pagod ang makina,
may baras na nasa r’weda,
sumisingaw, sumisibad, humuhuni ang pitada,
tumetelenteng ang kanyang kainpanada sa tuwina.
“Kailan ka magbabalik?”
“Hanggang sa hapon ng Martes.”
At tinangay na ng tren ang naglakbay na pag-ibig,
sa bentanilya’y may panyo’t may naiwang nananangisa
KAMAY NG BIRHEN
Mapuputing kamay, malasutla’t lambot,
kung hinahawi mo itong aking buhok,
ang lahat ng aking dalita sa loob
ay nalilimot ko nang lubos na lubos.
At parang bulaklak na nangakabuka
ang iyong daliring talulot ng ganda,
kung nasasalat ko, O butihing sinta,
parang ang bulaklak kahalikan ko na.
Kamay na mabait, may bulak sa lambot,
may puyo sa gitna paglikom sa loob;
magagandang kamay na parang may gamot,
isang daang sugat nabura sa haplos.
Parang mga ibong maputi’t mabait
na nakakatulog sa tapat ng dibdib;
ito’y bumubuka sa isa kong halik
at sa aking pisngi ay napakatamis.
Ang sabi sa k’wento, ang kamay ng birhen
ay napababait ang kahit salarin;
ako ay masama, nang ikaw’y giliwin,
ay nagpakabait nang iyong haplusin.
Kalupi ng Puso
Talaan ng aking mga dinaramdam,
Kasangguning lihim ng nais tandaan,
bawat dahon niya ay kinalalagyan
ng isang gunitang pagkamahal-mahal
Kaluping maliit sa tapat ng puso
ang bawat talata’y puno ng pagsuyo,
ang takip ay bughaw, dito nakatago
ang lihim ng aking ligaya’t siphayo.
Nang buwan ng Mayo kami nagkilala
at tila Mayo rin nang magkalayo na;
sa kaluping ito nababasa-basa
ang lahat ng aking mga alaala.
Nakatala rito ang buwan at araw
ng aking ligaya at kapighatian…
isang dapithapo’y nagugunam-gunam
sa mga mata ko ang luha’y umapaw…
Anupa’t kung ako’y tila nalulungkot
binabasa-basa ang nagdaang lugod;
ang alaala ko’y dito nagagamot,
sa munting kaluping puno ng himutok.
Matandang kalupi ng aking sinapit
dala mo nang lahat ang tuwa ko’t hapis;
kung binubuksan ka’y parang lumalapit
ang lahat ng aking nabigong pag-ibig.
Sa dilaw mong dahong ngayon ay kupas na
ang lumang pagsuyo’y naaalaala,
O, kaluping bughaw, kung kita’y mabasa
masayang malungkot na hinahagkan ka…
May ilang bulaklak at dahong natuyo
na sa iyo’y lihim na nangakatago,
tuwi kong mamasdan, luha’y tumutulo
tuwi kong hahagkan, puso’y nagdurugo.